Big C = Commitment
Naisip kong magpost about dito ay dahil sa singsing na pag-aari ko ngayon.
Alam mo yung panahon na pinag-iisipan mo kung masaya ka pa ba sa relasyon ninyo, kung kaya mo pa, kung siya na ba? o kung dapat na ba kayong maghiwalay o hindi. May ilang beses ko na itong naisip wala pa man yung singsing, sa tuwing may problemang dumadating naiisip ko yun. May ilang beses ko ding naisip na makipaghiwalay na, kinausap ko siya pero wala, kami pa din.
Mula nung binili namin yung singsing, palagi ko siyang tinitingnan at pag may iniisip ako tungkol sa relasyon namin, sinasalat ko siya tapos naiisip ko, "ito yung relasyon namin", "akin siya","mahal niya ako", ang pinakabigat ay yung: "hindi ako susuko"
So eto pala yun, ganito pala yung feeling. Meron kayong isang bagay na pinanghahawakan. Napakalalim talaga ng ibig sabihin nito para sa isang magkasintahan, kaya pala siya ginagamit sa kasal to seal the deal. Iniisip ko dati na wala akong "sense of commitment". Pakiramdam ko na madali akong mabore sa mga bagay-bagay tulad ng trabaho at iniisip ko na baka ganun din ako sa relasyon. Sa ngayon naman, magdadalawang taon na ako sa trabaho ko at ayos naman ako, nasasakyan ko na ang agos ng buhay dito. Siguro yung pagkabore sa mga bagay ay dala din ng edad. Habang tumatagal, nagkakaroon ka ng pasensya para sakyan ang reyalidad ng buhay. Siguro naman matatagalan ko ang relasyon na ito.
Tinanong ako ng kaibigan ko, bakit daw ganun, kahit ilang beses mong tangkaing tapusin na ang lahat, walang nangyayari, kayo pa din? May sagot man ako pero hindi ko naman masabing ganun din ang sa kanya. Pero simple lang ang sinabi ko: Dahil MAHAL mo siya. Nabasa ko sa internet na "Isyu o problema ang tinatapos hindi relasyon". Totoo naman. Ang tanong lang dyan, ilang problema ang kaya mong tapusin o lagpasan? Hanggang kailan ka tatagal?
Gusto kong matakot pero gusto ko din na yakapin ito (commitment) ng buo. Nangingibabaw yung kagustuhan kong yakapin ito. Natatakot ako dahil alam ko na sa mundong ito walang kasiguraduhan ang mga bagay. Kahit na kasal na kayo ng 40 years pwede pa din kayong magkahiwalay ano pa kaya yung ilang buwan palang. Madalas niyang marinig sa akin yung salitang "kalma lang". Kalma lang ako sa relasyon namin, sabi nga, ienjoy lang muna ang buhay at yun na ang ginagawa ko. Wag magmadali. Hindi ko naman kinakaila na gusto ko nang magka-anak. Alam ko na bata pa ako para dun, hindi ko lang maiwasan na maiinggit sa mga anak ng kaibigan ko. Alam ko na hindi madali pero ano naman, anak ko naman yun. Gagawin mo ang lahat para sa anak mo hindi ba? Pero dahil hindi pa siya posible ngayon, kalma lang. Andami kong plano di ba? Ayokong pangunahan ang kagustuhan Niya para sa akin pero sana tama ang mga desisyon ko sa buhay.
Ang Big C na ito ay ang The Ring ng buhay ko. Ang singsing na sumisimbolo sa commitment namin sa isa't isa. Gusto kong manalig sa relasyon namin.Gusto kong maniwala na tamang landas ang tinatahak ko. Gusto kong magmahal hangga't kaya ko.

